Ang puso ko ay isang naligaw na patak
Mula sa ulan, ngunit ang sumalo
At nagbalik sa dagat ay ang iyong pag-ibig.
Ang puso ko ay isang naligaw na patak
Mula sa ulan, ngunit ang sumalo
At nagbalik sa dagat ay ang iyong pag-ibig.
Mistulang napariwarang pag-ibig
ang lungsod ngayon. Ang mga lansangan
at ang mariringal na tindig
nitong siyudad ay sinusubok nitong panahon.
Nangatal at sumaboy ang mga halamanan,
naglipa ang laksa-laksang sanga at dahon
sa daanan.
Nabara ang mga kanal, at umapaw
ang mga nalikom na luha nitong langit.
Palahaw ang tinig ng hanging humahagupit
sa mga bubungan. Nakaukit sa bawat tuping
yero ang ngalan ng mga nawawalan.
Kalungkutan ang awit nitong bagyo,
at isinasama niya ang sinumang
nakakaramdam nitong lumbay.
Isang liriko ng hinagpis, likha nitong lumbay na awit
umaalingawngaw saang dako man ng mundo.
Nadaratnan natin ang ating mga sarili na binabalikan
ang mga uanng kwento: ang unang tuklas sa sinaunang apoy,
ang paggapang nito sa ating palad, natutuhang
ikuyom at isigaw ang unang salita ng pag-ibig.
O marahil, sakski tayo sa mga pagbabago sa ating lipunan,
sa ating mga katawan, kay raming sugat sa ating mga kaluluwa
nagiging mga karanasan na siya nating isinalasalaysay
sa ating mga kasamahan: “ganito nababago ang lahat sa iilang salita:
ang pagpapanibagong hubog ay hindi madaling landas.”
O ‘di kaya nagsaboy itong silab, nagliyab sa iba’t ibang
dibdib ng mga mangingibig/mandirigma saang man larangan:
tanging tanglaw sa mga paglaban na siyang tangan hanggang wakas.
Ngunit sa lahat, ikaw ang alab sa aking buhay,
at kung minsan ang paninindigan ay parang nanghihinang apoy,
ikaw ang mitsa, ang siklab, halika, hayaan mong
darangin ako ng iyong liyab, lagnatin hanggang pagkabalisa ay mawala
hanggang dumaloy ang dugo sa bagong tuklas na pag-ibig.
O ipakita mo sa akin
kung paano maikukubkob ang ganitong kalawak na pag-ibig
sa iisang ngalan.
Paglipas
Lipas na ang mga araw na naaalala kita, mahal
o marahil, naaalala pa kita, paminsan-minsan.
Sa mga sakayan, sa pilahan, matamang inaabangan
ang paghuli sa ngalang patutunguhan.
Marahil napansin kita. Sa hindi magtugmaang
pagdating at paglisan ng mga pasahero at dyip,
naroon ka sa laksa-laksang nag-aangalan sumakay.
Ikaw, na sa aking harapan ay lumayo ng ilang agwat
at tuluyang sumabay sa huling biyahe ng araw na iyon;
Ako na naiwan noong una pa man,
naalala pa rin kita, paminsan-minsan.
Sa mga dahon na inabutan ng taglagas,
sa mga natuyong dahon sa init ng tanghaling tapat,
sa mga nadurog na dahon sa ilalim ng ating paa,
sa mga antigong mensaheng hindi ko makuhang
mabura sa aking selepono,
mga ligaw na liham na nakaipit
sa bawat nakatuping diyaryong
hindi natin makuhang buklatin,
at ang mga pangalan nating iniwan sa sulok ng isang pahina.
Tulad ng lahat ng naiwan,
hindi na babalik kailanman.
Hindi na kita hahanapin pa.
Ngayon ang mundo ay patuloy pa rin sa pag-inog
kahit unti-unti itong nadudurog.
Naalala kita, hindi ngayon kung hindi noon pa man,
na ikaw ay mawawala sa simula pa lamang.
Bagong taon, bagong blog o marapat sabihin na bagong kanlungan ng aking mga saloobin at mumunting mga palaisipan.
Ngayon hindi ko maisip kung ano ba ang magiging tungkulin ng blog na ito; sa buong buhay ko ng blogging ay nagkaroon ako ng halos limang blog, lahat puro personal na talaan at lahat ay nagretiro na rin. Ngayon gumagawa ako ng proyekto na pakauntiin ang mga blog na pinag-aabalahan ko. Kung sa bagay, matagal na rin akong nag-iisip ng isang online portfolio ng aking mga likha, mga tula, kwento o kung anuman. Naghahanap rin kasi ako ng mapagkakatiwalaan na site. Ito na siguro yun. Kaya–
Less talk, more writing!